Biyernes, Marso 14, 2014



   
 Unang beses ko pa lang na narinig ang Kainan kay Aling Nene ay agad na pumasok sa isip ko ang salitang “maka-masa”, parang inihahain na sa imahinasyon ko ang mga lutong Pinoy, katulad ng mga lutong ulam na adobo, sinigang at kare-kare. Isang masaganang kainan na sa sobrang sarap ng mga nakahain sa mesa ay magkakandapaso ang dila mo sa pagsubo ng mainit na kanin. Nakapanlalaway nga’ng tunay ang pag-iisip ng mga katakam-takam na pagkain kaya naman sinubukan kong maging isa sa mga kostumer ni Aling Nene.

Sa bayan ng Marilao mula sa lalawigan ng Bulacan ay natagpuan ko ang Kainan kay Aling Nene. Taliwas mula sa una kong pag-iisip ng mga lutong bahay na inihahain ni Aling Nene ay natuklasan kong isa rin pala itong restaurant ng nasabing bayan na talaga namang matunog sa mga parokyano nito pagdating sa paghahain ng masasarap na lutong pansit. Pansit bihon, canton, miki at higit sa lahat ang kanilang espesyal na lutong lomi. 

Bilang isang Pinoy na talaga namang likas na mahilig sa mga lutong pansit ay hindi ko pinalampas ang pagkakataong makadaupang-panlasa ang mga handog ng kainan ni Aling Nene. Nilasap ko ang pagkain ng iba’t ibang luto ng kanilang ipinagmamalaking pansit, partikular ang bihon at ang espesyal na lomi, na sinasabing tinatangkilik ng marami.

 Una kong tinikman ang pansit bihon. Pagkalapag pa lamang sa aking mesa ng malapad na pinggan ng pansit bihon ay agad na kumalam ang sikmura ko. Partida pa iyon dahil hindi pa naman talaga ako gutom ng sandaling iyon. Para akong nahipnotismo ng nakaliliyong amoy ng usok ng pinagsama-samang sangkap ng kanilang pansit. Mula sa aking pinggan ay ipinaikot ko ang hawak kong tinidor sa hibla ng bihon. Bawat pag-ikot nito ay ramdam ko ang tamang pagkaluto ng pansit. Unang subo ko pa lamang ay talaga namang napapikit ako sa sarap. Ang linamnam ng pansit ay nalasahan ko sa bawat hibla nito. Sa aking panlasa ay nag-aagaw-agaw ang lasa ng ginisang bawang kasama ng sinangkutsang sibuyas at karne ng baboy. 

Sa bawat paglasap ko ay nakikipaglaro rin sa aking dila ang matamis na lasa ng mga gulay na sahog nito. Ang maninipis na hiwa ng carrots kasama ng pinira-pirasong baguio beans, ang mga ginayat na dahon ng repolyo at kintsay na pare-parehong binigyan ng manipis na anghang ng siling pari at pamintang pino. Sa bawat subo ay malalasahan ang saktong timpla ng alat ng oyster sauce. Ang bawat kagat ng karne ng baboy, kikiam at squid ball ay may kakaibang lambot na kaysarap nguyain at paglaruan sa loob ng bibig. Nakipagsabayan din sa loob ng aking bibig ang malutong-lutong pang dinurog na chicharon. Talaga namang panalo ang pansit bihon ni Aling Nene!

Matapos ng masaganang paglantak ng solo sa isang pinggan ng pansit bihon, ay waring hanggang sa pagdighay ay nalalasahan ko pa rin ito, kung paanong ninanamnam ko pa rin ang lasa nito mula sa mantikang naiwan sa aking mga labi. Pinalipas ko muna ang ilang minuto. Pinababa ang aking kinain at sinigurong natunaw nang husto ang pansit kong kinain. Kinailangan kong ihanda ang aking sarili para sa panibagong tsibugan, dahil kung sa pansit bihon pa lamang ay labis na akong nasarapan, paano pa kaya sa sinasabi nilang espesyal na lomi ni Aling Nene? Handa na ang aking bibig sa panibagong lasap ng sarap para sa naghahangad kong panlasa. Hindi pa man din ay naglaway na ako para sa mainit na lomi.

Hindi ko naiwasang mapangiti at pagkiskisin ang aking mga palad nang ganap na ngang maihain sa aking mesa ang umuusok na espesyal na lomi. Unang sipat ko pa lamang sa isang malukong na mangkok ng lomi ay tila natitikman ko na ang pagiging espesyal nito. Sa lalim at laki ng pinaglalagyang mangkok nito ay panigurado na naman ang isang malaking dighay sa oras na masimot ko ito. 

May kakaibang amoy ang usok na nalalanghap ko mula sa lomi ni Aling Nene, parang gumuguhit sa aking ilong diretso sa aking panlasa ang napakasarap na tila aroma ng mainit at malapot na sabaw ng lomi. Habang marahan ko itong hinihipan ay waring natataranta ang aking bibig na higupin ang sabaw nito. Kasabay rin ng pag-ihip dito ay mabusisi ko ring tinitingnan ang laman ng aking mangkok. 

Ang matatabang noodles na lumalangoy sa malapot na sabaw kasama ng binateng itlog at iba pang makukulay at mapangtakam na mga sahog ay lalong nakadagdag sa dahilan upang ako’y pagpawisan. Ramdam ko ang butil ng pawis sa ibabaw ng aking labi. Pagkaraan nga lang ng ilang sandali ng pag-ihip ay nalasahan ko na ang sarap ng espesyal na lomi ni Aling Nene. Ang matatabang hibla ng noodles ng lomi ay sadyang malambot mula sa pagkakaluto nito. Sa aking pagsubo ay parang kusa itong nilulusaw ng aking dila. Bawat subo ay maluho. Sa isang sandok mula sa mangkok ay sama-sama kong nakukuha ang lomi, sabaw, gulay, hipon at karne ng baboy. Ang sabaw na sa bawat higop ay aagarin mo para sa panibagong pagsubo ng linamnam. Ang hipon na sariwang-sariwa sa kulay nito na para bang buhay pa rin na naglalangoy sa malapot na sabaw ng lomi. Sa tuwing maisusubo ko ito ay para bang nalalasahan ko ang kumakatas na sabaw ng lomi na nanuot sa himaymay ng laman nito. Ang itlog ng pugo na sa pagsubo ay tila dumudulas sa loob ng aking bibig at sa oras na makagat ay sadyang bumabagay sa timpla ng sabaw ng lomi. Ang bawat sahog ay masasabi kong bumagay sa isa’t isa. 

Ang mga gulay na mula sa tila half-cooked na pagkakaluto ay unti-unting nahuhusto ang pagkaluto dahil sa pagkakababad sa mainit na sabaw ng lomi. Mula sa carrots, repolyo, baguio beans at siling pari na binigyan ng panibagong timpla ng hipon, baboy at itlog ng pugo, bawat subo ay susundan mo ng panibago para hindi maudlot ang sarap na nalalasahan. Ang binateng itlog na nakahalo sa sabaw ay para ring kumikiliti sa loob ng aking bibig sa bawat paghigop, na sumasabay rin sa madulas na hibla ng noodles ng lomi. Panalo talaga ang espesyal na lomi ni Aling Nene. Sadyang hahanap-hanapin nga ng panlasa ng sinumang makakatikim nito.

Isa talagang napakasarap na pagtatangka ang naging karanasan ng aking panlasa sa pagbisita sa Kainan kay Aling Nene. Ito ang isa sa katakam-katakam na kainang nais kong maibahagi sa bawat isa, lalo pa para sa mga taong may mabusising panlasa pagdating sa mga lutong pansit. Alam kong marami pang restaurant sa lalawigan ng Bulacan na nagseserve ng masarap na lutong pansit ngunit gusto kong mabigyan ng kakaibang pagtikim sa lutong pansit ang inyong mga panlasa. Masasabi kong babalik-balikan ng sinuman ang mga pansit ni Aling Nene at ang paanyaya kong ito ay hindi ninyo pagsisisihan kung sakali mang katulad ko ay subukin ninyong maging kostumer sa kainan ni Aling Nene.
Para sa mga nais na matikman ang lutong pansit sa Kainan kay Aling Nene, hindi ninyo ikababahala ang presyo nito. Sa halagang P80.00 lang per special serving sinisiguro ko sa inyo ang swak-sulit-sa-bulsa na kainan. Ang kainan ni Aling Nene ay matatagpuan sa Brgy. Tabing-Ilog, Marilao, Bulacan. 


Mula sa bayan ng Malolos ay maaaring sumakay sa Puregold terminal ng mga jeep na biyaheng Marilao-Meycauayan. Ang regular na pamasahe ay nagkakahalagang P32.00 lamang.
Pagkababa naman sa terminal ng jeep sa SM City Marilao ay sasakay lamang muli ng jeep na ang biyahe ay papuntang Brgy. Tabing Ilog ng mismong bayan at ang pamasahe ay P8.00 lamang. Kaya para sa mga nais mangtreat or blow out sa kanilang mga barkada, sadyain na ninyo ang kainan ni Aling Nene. Mura na, masarap pa, paniguradong busog ka pa at kahit pa ang buong tropa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento